"GABI NA NU'NG MULING NAKITA KITA" (ANG PANGALAWANG 'RAVE REVIEW' PARA SA DULANG 'BINONDO: A TSINOY MUSICAL'...)




Gabi na nu'n, nang muling makita kita. Kasasapit lang ng dilim na sumakop sa liwanag. Pero kahit papa'no, natagpuan pa rin kita. Sa tinagal-tagal ng panahon at mahabang paglalakbay, nakarating pa rin ako. At sa muli, natagpuan pa rin kita.

Tanging ang BUWAN lamang ang nag-alalay sa akin. Tanging ang liwanag mula sa buwan na iyon ang nagpa-kalma sa akin sa gitna ng dilim ng gabing iyon...


Nguni't naging huli man ang lahat, sa muli, napatunayan nating meron pa ring FOREVER, kahit ba sa ilang sandali lang, mawawala ka na. Titigil na ang pagpintig ng iyong mga puso. At sa aking mga braso, ika'y nagkaro'n ng pang-habambuhay na pagtulog.


Gabi na nga nu'n. Pero may iniwan kang ala-ala. Ang dugong nanalaytay sa ating dalawa, umusbong ang pag-asa at pagpapatuloy ng ating pagmamahalan.


Ikaw at ako ang SINING. Ikaw at ako ang BUKAS. Ikaw at Ako- sa katauhan ng ating ANAK.


AT, SA DILIM NG GABI, TAYO'Y MAGSASAMANG MULI.



*** *** ***


Ang eksenang aming tinutukoy ay ang pinaka-highlight scene sa musikal na dulang BINONDO: A TSINOY MUSICAL. Na kung saan, muling natagpuan ng pangunahing karakter na si Ah-Tiong ang pinakamamahal niyang si Lily. Nguni't huli na ang lahat. Sa ilang sandali lamang, ito'y mamamatay na. Isang trahedya ng PAG-IBIG.

Isang napaka-delikadong eksena 'yun na nangangailangan ng perpeksyon at tamang eksekusyon. Pero nagawa pa ring maayos at malalim- naging matahimik ang kapaligiran ng entablado, nawalan ng mga mananayaw at kaartehan, naging malumanay na malumanay ang dating.

Ang tanging makikita mo, ang napakagaling na mga emosyon ng dalawang pangunahing tauhan na umaarte sa entablado. Damang-dama mo, tunay ang mga emosyong naisaad nila. At ang mga luhang pumatak, tumulo't tumagos sa kailaliman ng iyong puso.

At, oo GABI na nga nuon. Gabi na nu'ng muling makita ng isang KALULUWA ang tunay na representasyon ng Sining.


****  *** ***


shiela

carla

arman

noel

ima

jim


Para bagang isang masarap na pagkain ang nakita mo. Busog na busog ka sa bawat galaw, kilos, at mensaheng pinalabas sa DULA. Ang ilaw ay kakaiba, ang musika'y nakakamangha, at ang mga artista- kasama na ang mga biswal na representasyon- masasabi mo- lumapat ng husto sa iyong buong kaluluwa't pagkatao. Isang napakagandang naging paglalahad ng Sining at Kultura.

Unahin na natin ang mga ARTISTANG NAGSIPAG-GANAP:

Sa dalawang bersyon ng dulang BINONDO: A TSINOY MUSICAL- ang bersyon nina Shiela Valderrama-Martinez bilang Lily, at sa kabila, ang bersyon ni Carla Guevarra-Laforteza bilang Lily din- pareho nilang nagawa ng magkaiba ang pagbibigay-buhay sa karakter na Lily.

Si Shiela ay ang masikip at malalim na Lily. Ang mga kilos niya'y hindi magalaw pero nadarama mo ng husto. Mas malungkot ang pagganap na mas nakakatusok sa puso.

Si Carla naman ay mas kaswal, mas magalaw, pero mas puno ng emosyon. Siya ang Lily na mas nag-mature sa paglipas ng panahon dahil nagkaroon ng transpormasyon ang kanyang katauhan- na kitang-kita mo mula sa umpisa na bagets pa lamang si Lily, hanggang sa bandang huli na nagka-anak ito't nagpakasal sa lalaking natutunan naman niyang mahalin sa bandang huli.

Pero naging iisang LILY lang 'yung nakita namin sa bandang huli. Naghalo ang Shiela na Lily at Carla na Lily sa eksenang muli silang nagkita ni Ah-Tiong sa kama ng kanyang kamatayan. Ang Lily na inaasahan namin- tunay namang naiarte nilang pareho ng tama at napakagaling.

Sa bersyon ni Arman Ferrer bilang Ah-Tiong, akma at mahusay. Alam na alam niya ang tamang galaw at perpektong "timing" upang makakuha ng atensyon sa mga manonood. Kapang-kapa niya ang karakter na ginampanan niya.

(Ang masasabi naman namin sa bersyon ni David Ezra bilang Ah-Tiong ay nasa pagtatapos  na parte ng rebyung ito).

Kahanga-hanga rin si Noel Rayos bilang Carlos, ang rebeldeng anak at mamamayan ng Pilipinas na tinuring ang sarili niyang Pilipino maski Intsik naman talaga siya, eh. Isang tapat na mangingibig at kaibigan. Hindi iniwan si Lily hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.  Inako ang anak ni Ah-Tiong kay Lily maski hindi naman talaga kanya.

Napakaganda ng karakter na Carlos, kung tutuusin, at muli nga, hanga kami kay Noel Rayos dahil nabigyan niya ito ng mga tamang sangkap para mabuhay at maiarte ng kagiliw-giliw. Natawa man ang mga taong nanood dahil sa katangahan ni Carlos, at mukha talaga siyang "engot" sa mga eksenang matatamis nina Lily at Ah-Tiong na nag-aakapan sa harap niya- mapapa-wow ka naman sa perpektong pagganap ni Mr. Noel Rayos. Bow!

Isa pang agaw-eksena ay si Ms. Ima Castro bilang si Mrs. dela Rosa, ang ina ni Lily. Sabi nga nina George Vail Kabristante at Armand Reyes (mga kritiko't manunulat sa teatro at pelikula): "Iba talaga ang training at acting mga artistang lumabas na sa Ms. Saigon sa Broadway, magagaling talaga, tulad ni Ima!" Dahil maski maikli lamang at iilang eksena lamang ang naging partisipasyon ni Ms. Ima Castro sa dulang ito, tunay na nagmarka naman.

Ito namang si Mr. Jim Pebanco, maski natatakpan ng Harlequin costume at Joker na make-up ang mukha't katawan niya, lumulusot pa rin sa katauhan niya ang mga nakakatuwang pagsayaw at kalandian ng karakter na ginampanan niya bilang isa sa mga Koro- ang "Harlequin Ego Trippers" sa dulang ito.

Ang cute-cute magsayaw ni Mr. Pebanco. At kapag umaarte na siya ng bakla, tunay na nakakalugod na pagmasdan. Isa pang BOW!

Sa buong Cast Ensemble, wala kaming masabi. Lahat ay umaarte maski gaano man sila kalayo sa harap ng entablado. 


binondo: a tsinoy musical cast ensemble

roy sotero

romcel

xander

ryan

Lubos na nakapukyaw sa aming atensyon bilang kasama sa Cast Ensemble sina Roy Sotero (a.k.a. Roy Floren Iringan), Xander Pineda, Romcel Brinquis, Ryan Caraan at Daniel Cruz. Kay guguwapo nilang pagmasdan at sa mga katauhan nila, natatanaw na namin ang kinabukasan ng magagaling na aktor sa Teatro na maaaring mag-bida rin balang-araw.


*** *** ***


Gabi na nga bang talaga nu'ng muling makita kita? 

Marahil OO, marahil din, ay HINDI.


Dahil maging gabi man 'yun o maging ARAW, hindi namamatay ang Sining sa kaibuturan ng iyong Puso. 


At tulad din ng Sining, na kadalasa'y isinasantabi lang ng mga taong mas prayoridad ang mabuhay sa pang-araw-araw, ang tunay na pagkain ng bawat nilalang ay ang pagkain para sa kaluluwa.


Maging araw man ito o gabi-


madilim man o maliwanag-



ang Habambuhay



ay matatagpuan pa rin.



direk joel lamangan

douglas nierras

ricky lee

jn nombres

Dahil maski hindi man namin nagawang tumayo sa Curtain Call ng dulang BINONDO: A TSINOY MUSICAL, sapat na siguro ang rave review na ito para pasalamatan sina direk Joel Lamangan (Direktor), Rebecca Shangkuan Chuannsu (Prodyuser at may likha ng Istorya), sina Ricky Lee, Gershom Chua, at Eljay Castro Deldoc (mga manunulat ng Dula), Von de Guzman (Musikal na Direktor), Douglas Nierras (Choreographer), Otto Hernandez (Produksyon pang-Disensyo at teknikal) at si JN Nombres (Disenyo sa Ilaw), - Opo, sila ang mga artistikong tao sa dulang ito at tunay silang dapat na papurihan. 


****  **** ****


Sabi nga nila, ang isang DULA lamang ay tunay na magkakaroon ng BUHAY, KAPANGYARIHAN at KATUPARAN kapag ang isang aktor ay nag-ukol ng katapatan, katarungan at sapat na dedikasyon.

Nakita namin iyon sa katauhan ng aktor na si David Ezra, ang isa pang aktor na gumanap sa katauhan na Ah-Tiong sa dulang ito. Sa unang pagkakataon, napanood ng isang blogger si Mr. Ezra, dahil sa dinami-dami ng mga nagdaang imbitasyon sa mga dulang nilabasan na ni Mr. Ezra, ngayon lamang, sa dulang ito, siya namin napanood.

At, ang lahat ay naging SAPAT na. Dahil tunay na napakagaling ni David Ezra, ang pag-arte niya ay hindi aral, hindi rin sistematiko- dahil ang pag-arte niya ay natural, mula sa puso, at higit sa lahat, kaibig-ibig.

Alisin na natin ang eksenang naghubad siya ng pang-itaas kung saan ay naipamalas niya ang napakakinis at napaka-seksi niyang pangangatawan na medyo "chubby" ang dating- pero sa eksenang muli niyang nakita si Lily na malapit nang mamatay- ang mga luha niya ay tunay na tunay- at, umagos ng dalisay. Lalaking-lalaki pa rin ang dating niya maski umiiyak na siya. 'Yun ang Ah-Tiong na mas gusto namin, isang Ah-Tiong na lalaki pero lumalambot din kapag siya'y nasasaktan. Taong-tao. Buhay na buhay.

Oo, kapag nakakapanood ka ng mga aktor sa kaurian ni Mr. David Ezra, tunay namang nabubusog ka-

mapagmasdan mo man lang siya-

ng matagal man o maski saglit-

ang ETERNITY 

ay


makakamtan mo pa rin


sa isang sulok ng



DAIGDIG.




photo by: mr. erickson dela cruz



(sinulat ni robert manuguid silverio)


(DON'T MISS THE LAST FIVE SHOWS OF "BINONDO: A TSINOY MUSICAL":
JULY 6 (FRI) 8pm
JULY 7 (SAT) 3pm, 8pm
JULY 8 (SUN) 3pm,8pm
The Theatre at Solaire).*




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

RUDY JACKSON, MASKI NASA AMERIKA AY NAKAKATANGGAP PA RIN NG MGA BIYAYA NA IBINIBIGAY DIN NAMAN NIYA SA MGA KAIBIGAN NIYA SA PILIPINAS!

SIR RUDY (IN DRAG) WITH A FRIEND NAMED MANNY SIR RUDY WITH HIS MOST INTIMATE FRIENDS SIR RUDY IN HIS NEPHEW'S HOUSE IN THE U.S. EARLY CH...