ISANG SULYAP SA WALANG HANGGAN (REBYU PARA SA PELIKULANG "CHILDREN OF THE RIVER", NA KALAHOK SA CINEMALAYA 15)....


noel: a very honest portrayal in "children of the river"


May mga lugar at pook na lagi nating maaalala sa buong buhay natin. Maaaring ang mga lugar na iyon ay naging malaking bahagi ng ating kabataan, o naging testigo upang mas makilala pa natin ang ating mga sarili, Mga lugar na sadyang pesonal, mga lugar na pinagmulan natin, mga lugar na kung saan ay nakasama natin ang ating mga kaibigan.

Ang mga iyon siguro ang mga lugar na walang hanggan. Dahil sa puntong iyon ng walang hanggan, nakilala natin ng lubusan ang ating mga sarili.

Iyan siguro marahil ang naging kakaiba para sa pelikulang "Children of the River", isang pelikulang kalahok para sa Cinemalaya 15 ng taong ito.

Kakaiba, dahil sa napaka-simple at napaka- makatotohanang tema ng pelikula. Alam mong hindi pantasya lamang maski ba may pagka-'mala-romantiko' rin ang dating ng pelikula. Kakaiba, dahil kung ikukumpara mo sa nakagisnan nang mga kalahok palagi sa Cinemalaya na mga pelikula, ang isang ito ay hindi nagpakita ng karahasan, ng kapangitan, ng mga maling panghuhusga.

Ang isang ito- na pinamagatang "Children of the River", ay isang tunay na malayang pelikula, tunay ding masasabi mong SINEMA. Walang pretensyon. Walang pagnanasang maging isang dakilang pelikula. Dahil ang basta ipinakita lang niya- isang pagtuklas sa sarili at ang natatagong buhay ng mga batang iniwan ng kani-kanilang mga ama na naging sundalo at lumaban sa giyera ng Marawi.

Gustong-gusto ng karamihan ang mga ganitong uri ng pelikula na walang pretensyon. Hindi nagbabadya. Hindi nagpapanggap. Pero madarama mong may puso ang pelikula. May mensahe. May katuturan.

Yun bang makita naman kahit minsan ng mga kabataan at mga Milenyal na bata ang mga simpleng pamumuhay lamang- malayo sa DOTA o ML games at mga gadgets, sa mga gang wars, sa mga fraternities at sa mga wild parties. Makita man lang nila, kahit minsan lang, na ang mga simpleng kaligayahan sa mundong ito ay mas nagtatagal. Mas aakapin mo rin sa habang buhay.

Malinaw na naipakita ng direktor at manunulat ng pelikulang ito (na walang iba kundi si Maricel Cabrera-Cariaga) ang tunay na diwa at puso ng isang batang lalaking nakararanas ng pangungulila sa kanyang ama, pero pinasasaya naman siya ng kanyang tatlong mga kababata't kaibigan, na kung saan, hanggang sa huli, ay hindi siya iniwan maski ba natuklasan nilang lahat na bakla pala siya.

Maaaring sa pinaka-huling eksena ng pelikula ay nagpa-iwan na ang batang lalaking bida at pinauna na niyang maglakad ang mga kalaro niya, pagkatapos ay binitiwan na niya ang baril-barilan na hawak niya- maraming nais ipakahulugan ang huling eksena na iyon ng pelikula.

Dahil bilang isang batang LGBT, alam niya, hindi na dapat baril-barilan ang hawak niya kundi marahil ay isang make-up kit na o 'buhay na mikropono', mauuna na ngang humayo ang mga kaibigan niya dahil may iba na siyang mga landas na tatahakin pa.

Mahuhusay lahat ang mga nagsipag-ganap na supporting characters sa pelikula- lalong-lalo na si Jay Manalo na maski sa bandang huling parte na lang ng pelikula sumulpot, humataw naman ng husto sa napakaganda niyang monologue sa Eulogy Scene para sa mga namatay na kapwa niya kababata't sundalong namatay sa giyera sa Marawi kung saan ay siya lamang ang nabuhay. Ilang beses kaming nagpahid ng mga luha sa napakagandang eksena na iyon ni Jay, at karapatan siguro ni Jay na manalo ng Best Supporting Actor maski ba napakaikli lang ng mga eksena niya sa pelikulang ito. Sa Hollywood kasi, maski isang eksena lang 'yung artista, nananalo pa rin.

Lahat ng mga batang kaibigan ng bida, kay gagaling ding umarte. Napaka-natural ng pagganap nila. Batang-bata talaga, hindi nag-iinarte, hindi nagkukunwari. Lalo na 'yung batang mataba na nagdala ng mas magagaan pang moments o mga eksena sa pelikula.

Ang lugar na Quirino, Isabela pala ay tunay na kaaya-aya. Hindi pa ganu'n kasikat sa mga tao ang lugar na ito, pero ang ilog na ilang beses na pinakita sa pelikula, sadyang kay sarap yatang pasyalan at puntahan. 

Teka nga pala, nagustuhan din namin sa pelikulang ito si Juancho Trivino, ang lihim na pagibig ng batang bida sa pelikulang ito. 'Yung mga eksena nila nu'ng batang bida sa pelikula, tusok na tusok sa puso. Kuhang-kuha ni Juancho ang tamang pagganap sa karakter niya.


*******  *******   *******  *******


Sabi nga nila, kapag nasulyapan mo na ang lugar na walang hanggan, wala ka na nga siguro hahanapin pa. Doon na rin siguro matatapos ang maikling biyahe mo sa buhay at pagibig.

Pero gaano man kaikli iyon, kapag may isang batang nakaalalang ngumiti sa iyo, mag-imbita, at magpahalaga, alam mo, hahaba pa rin ang biyaheng tinatahak mo. Magkakaroon pa iyon ng PART TWO.

Dahil tulad nu'ng batang bida na gumanap sa pelikulang "Children of the River", na walang iba kundi si NOEL COMIA, JR., ang pag-arte na ginawa niya sa pelikulang nabanggit ay masasabi mo ngang ISANG SULYAP SA WALANG HANGGAN.

Dahil naroon na lahat ang mga sangkap, mga detalye, mga mas malalalim pang kasaysayan.

Na hindi ikinahiyang gampanan ng isang batang aktor na may malawak na kaisipan. Buong puso niyang binigyang-buhay, buong kaluluwa niyang inakap at pinagmasdan.

Kaya naman, isang mariing saludo sa batang ito

si NOEL COMIA, JR.

Dahil sa kanya 


muling nakita

ng isang nilalang...



ang tunay na kahulugan



ng 





WALANG HANGGAN.









(sinulat ni robert manuguid silverio)



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

RUDY JACKSON, MASKI NASA AMERIKA AY NAKAKATANGGAP PA RIN NG MGA BIYAYA NA IBINIBIGAY DIN NAMAN NIYA SA MGA KAIBIGAN NIYA SA PILIPINAS!

SIR RUDY (IN DRAG) WITH A FRIEND NAMED MANNY SIR RUDY WITH HIS MOST INTIMATE FRIENDS SIR RUDY IN HIS NEPHEW'S HOUSE IN THE U.S. EARLY CH...