Pasensya na po kung personal na naman ang atake ng paglalahad ko para sa nasaksihan kong rehearsal-performance ng dulang Bonifacio: Isang Sarsuwela. Dangan kasi, nananalaytay pa rin sa aking dugo-, ang dugo ng karukhaan at dugo ng pagiging mapagkumbaba. Dugo ng aking mga ninunong ipinanganak ring tulad ko sa Tondo, Manila. Dugo ng mga mangingisda sa dagat ng Maynila. Dugong hindi ko maipagkakailang kinabilangan ko. ANG DUGO NG MAHIHIRAP.
Habang pinapanood ko ang napaka-makapangyarihang pagsisipag-ganap kahapon (Oktubre a-treinta, 2016) ng mga Stagers para sa final rehearsal nila sa dulang Bonifacio: Isang Sarsuwela, tila yata napakaraming karayom na tumusok sa aking dibdib at sa puso ko. Napakakirot, damang-dama ko. At nanumbalik ang mga ala-alang sadyang nanatili sa likod ng aking utak. Mga ala-ala ng kamusmusan na hindi nawala sa diwa't damdamin ko. Ang mga ala-alang iyon ang nagpatibay sa aking pagiging isang tunay na Pilipino.
Isa sa mga ala-alang iyon ay ang katiwasayan ng mga alon ng dagat, habang naka-kandong ako sa mga bisig ng Kuya Pilo ko, ang pinakamatanda kong pinsan na nagpasyal sa akin sa gitna ng dagat, kasama ang mga tiyuhin ko, nuong ako'y tatlong taong gulang pa naman. Ang dagat na iyon ay malapit sa Tondo- sa dagat ng Baseco sa may Tondo na kung tawagin nila noon ay "kabilang ibayo". At kami naman noon ay nanirahan sa may F. Varona St., sa Tondo, Maynila.
Nakatitig lamang ako noon sa dagat at hindi ako natakot dahil kapiling ko ang mga malalakas kong kamag-anak na pawang mga mangingisda. Nuon pa lamang, alam ko nang sa mapagkumbaba mga tao ako nabibilang- tulad ng bayaning si ANDRES BONIFACIO, na sa Tondo, Maynila rin ipinanganak.
Opo, ako ay isinilang sa Tondo. At sa Sto. Nino de Tondo church ako na-baptismuhan. Tulad din ng iba pang mga bayaning sina Emilio Jacinto, Rafael Palman, ang ina ni Dr. Jose Rizal na si Teodora Realonda Rizal, at marami pang iba. Kasama na rito ang karamihan sa mga Katipunerong lumaban noon para mapaalis ang mga Kastila sa Inang Bayan. Mga bayaning isinilang sa isang mahirap na lugar. Mga bayaning inalipusta, pinatay, binale-wala. Mga bayani sa Tondo, Maynila.
Kaya naman habang pinapanood ko ang rehearsal ng Bonifacio: Isang Sarsuwela, laging nagnasang tumulo ang aking mga luha. Dahil nakita ko ang aking sarili. Nakita ko rin ang aking mga ninuno. AT MULI, NAKITA KO PA RIN ANG DAGAT NG KATOTOHANAN.
Isang katotohang pikit-matang nadarama ng bawat Pilipino. Ng masang Pilipino na inaalipin pa rin ngayon at pinapatay ng mga MAYAYAMAN. Ng ka-hipokrituhan, Ng mga kayabangan. At higit sa lahat, ng mga materyal na bagay.
Ito nga ang mensahe ng dulang Bonifacio: Isang Sasuwela. Na napaka-klarong naisulat ni direk Vince Tanada para sa isang dulang musikal. Nilapatan ng madamdaming musika ni Pipo Cifra, tila bagang nabuhay muli nu'ng gabing iyon ang kaluluwa ng mga Katipunerong lumaban para sa kasarinlan, kalayaan at karapatan ng bawat Pilipino.
Hindi ko ito madarama ng ganun katindi kung hindi dahil sa napakagaling na pag-arte ng bawat aktor at aktres na kasama sa dulang ito. Litaw na litaw ang kanilang mga kaluluwa sa bawat eksena. Maski ang mga nasa likod at suportang aktor lamang ay nagawang magnakaw ng pansin sa bawat eksena.
Tulad nina Abner Navia (gumanap bilang Teodoro Plata), Jessica Evangelio (cast ensemble), Arian Golondrina (cast ensemble) at Robert Encila Celdran (Espanyol na Heneral)- nagawa nilang lahat na makapagnakaw ng atensyon palayo sa mga bida at mga supporting cast na gumaganap sa entablado. Maski malayo sila at nasa likod lamang- ang mga mukha nila'y punong-puno ng mga emosyon at damdamin. Nangungulubot na parang mga basang tuwalya na kapag piniga mo'y may lalabas pa ring mga katas, lalong-lalo na si Abner Navia. Ganyan katindi ang kakayahan ng mga Stagers sa pagganap.
Sa supporting cast naman, akmang-akma ang kakaibang atake ng pagganap ni Jomar Tanada Bautista bilang isang sundalong pumatay kay Bonifacio. Nakakaalarma ang mga kilos niyang banayad pero "intensifying" at gugustuhin mong awatin siya paakyat ng entablado habang pinapatay niya si Bonifacio. Isang napakatinding eksena talaga iyon at mapapaiyak ka.
Bukod kay Jomar, talagang ayaw ring paawat nitong si John Rey Rivas na halos palundagin kami sa pagkamangha sa kagalingan niyang umarte. Si John Rey ang gumaganap naman bilang nakababatang kapatid ni Bonifacio na pinaslang din kasama ni Bonifacio. Siyempre, nariyan din sina Jerie Sanchez (bilang Tandang Sora), Cindy Liper (bilang Gregoria de Jesus), Kenneth Miles (bilang Emilio Aguinaldo), Adelle Lim (bilang Hilaria Aguinaldo), Chris Lim (bilang Espanyol na sundalo), at si Derotsen Etolle (bilang Macario Masangkay) na pawang mga datihang Stagers na, at tila bagang habang tumatagal ay parang mga alak na masasarap na hindi mo malilimutan kapag natikman mo (o nasaksihan sa pagganap at pag-arte).
Sa bawat musika ay may sayaw. At sa isang sayaw naman ng Stager na si Vean Olmedo, ay mapapanganga ka sa kagalingan niya. Kasama ang isa pang Stager na si Gerald Himarino...
**** **** ****
"WHAT ARE HEROES MADE OF?", minsan ay naitanong iyan sa akin ng bata kong pamangkin. Napatulala lamang ako dahil hindi ko alam ang kasagutan.
Pero pagkatapos kong mapanood ang dulang Bonifacio: Isang Sarsuwela, nakita ko ang dalawang mga SAGOT.
Ang mga bayani ay nakikita sa kani-kanilang mga kagitingan. Ang mga bayani ay nagtataglay ng kakaibang katapangan, katalinuhan at kagalingan.
HIGIT SA LAHAT, ANG MGA BAYANI AY MAY PUSO.
Ito ang mga katagang sinambit ni Patrick Adrian Libao (na gumanap bilang Emilio Jacinto) sa isang eksenang nakikipagtalo siya kay Aguinaldo. Kontrahin man iyon ng iba pang mga kritiko at propesyonal na mga tao, ang PUSO pa rin ng isang tao ang magpapanalo sa bawat digmaan (na maski ba natalo ang mga Katipunero nung mga panahon na iyon, umusbong naman ang mas marami pang bayaning Pilipino sa mga sumunod na henerasyon).
Dahil ang puso ay tulad din ng isang aktor na napaka-sensitibong nailahad sa madla ang karakter na ginampanan niya. Sa isang eksena ni Patrick Adrian Libao na kung saan ay nalaman niyang patay na si Bonifacio at nangako siyang hindi sasapi sa grupo ni Aguinaldo, ang pagtulo ng kanyang mga luha ay tatangayin ka upang mapaiyak na rin. Napakagaling.
Pero wala na sigurong hihigit pa sa pagmamahal na iniukol at ibinigay ni Vince Tanada sa papel niya bilang si Andres Bonifacio. Dahil ang nakita namin- si Vince at si Andres ay naging IISA sa mga oras na iyon habang pinapanood namin ang final rehearsal ng dula. Isang makapangyarihang daliri yata ang nag-buklod sa mga kaluluwa nina Vince at Andres. Na nagpatayo sa aming mga balahibo.
Ang bawat eksena ni Vince ay tumutusok talaga, at hindi lang basta TUSOK. Tila sinasaksak ka ng matinding mga emosyon dahil sa napaka-makatotohanang pagganap ni Vince bilang si Andres Bonifacio. At, IIYAK KA RIN.
Oo, iiyak ka rin. Iiyak ka rin sa mga mahihirap na Pilipinong hanggang ngayon ay nakikipaglaban pa rin.
Iiyak ka rin sa mga maka-sining na nilalang ng Teatro- ang mga aktor at aktres na ito sa likod ng entablado na nag-alay ng kanilang mga buong puso't kaluluwa para sa SINING.
SILA ANG MGA BAYANI. AT, ITATAAS KA NILA,
MAGPASA-HANGGANG....
WAKAS.
(sinulat ni robert manuguid silverio)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento