isang mahabang paglalakbay sa iriga city at naga city, kasama si dexter macaraeg (PART 1)...

ANG MT. IRIGA, BACKDROP MULA SA ROOFTOP NG IRIGA PLAZA HOTEL



Kung magsusulat ka ng isang nobela at nanaisin mong lagyan iyon ng magagandang tanawin, marahil, makikita mo nga talaga ang tunay na kagandahan ng mundo at ng buhay...

Kung maglalakbay ka kasama ang isang kaibigan na nauunawaan ka- anuman ang sabihin ng iba laban sa pagkatao mo- magiging banayad ang lahat. Sa gitna ng iyong mga tantrums at pag-iisa, aalalayan ka niya.

Aalamin mo ang tunay na kahulugan ng paglalakbay na iyon- sa parte ng kasama mong kaibigan, siya ay may sariling mga misyon at adhikain. Pero para sa iyo, bukod sa pag-aalalay mo at pagsama, para magawa ng kaibigan mo ang mga nararapat niyang gawin- hindi man niya alam, siya ay naging instrumento lamang para mas higit mo pang matuklasan ang sarili mo.

Sa gitna ng mga nagsasayawang puno at nakatitig na mga bundok- ng mga palayan at taniman na umiindak sa hangin, o maging sa dilim ng hatinggabi at nagkikislapang ilaw sa kalayuan- hayun ka, nakikiayon sa kagandahan ng buhay, pagibig at walang katapusang paghahanap.

Paminsan-minsan ay bumibisita ang mga gunita- inaanyayahan ka, iniimbitang muli, at marahil, sasamahan ka rin nila.

Ang pagmamahal ay nagbubunga ng mga sari-saring bagay. Nagiging isang katotohanan sa gitna ng mga reyalidad ng buhay. Magpipinta iyon ng isang mas banayad na kaginhawaan ng buhay sa gitna ng mga paghihirap at mga pakikibaka sa mga araw-araw na suliranin. Ang isang dimensyon ay napupunta sa isa, dalawa, tatlo at limang DIMENSYON. Nararating 'yun ng puso, umaabot sa mga malalayong bituin ng kalangitan.

Nakapagtataka man sa iba, pero para sa iyo, ang mga damdaming nag-uumapaw, kung minsan, ay hindi mo na nakakayanan. Kinakailangang lagyan ng "backdrop" o "setting" para sa mas matamis pang kaganapan.

Dahil may minamahal ka. Hindi man nila nakikita, ang hangin na malamig ay patuloy pa ring umaakap. Doon, nakikita mo siya. At nakikita ka rin NIYA.


ROBERT AND DEXTER SA LOOB NG BUS PAPUNTANG IRIGA CITY



**********************

"Walumpung mga guro, faculty members, academes at mga Noranians sa Iriga City ang makikinig bukas sa aking Forum pagkatapos kong maipalabas sa kanila ang documentary film kong Tagahanga, na ukol ka Nora Aunor", nabigkas na mga pananalita ni Dexter Macaraeg sa isang kaibigang kasama niya. "Maghihintay silang lahat sa atin eksaktong alas-diyes ng umaga sa Iriga Central School. Nasasabik na silang makita tayo at makihalubilo sa kanila."

Naroon kayo nuon sa tapat ng bagong-renobasyon na Bus Terminal sa may harap ng Ali Mall sa Cubao. Nanigarilyo muna kayong dalawa ni Dexter, pampa-relaks sa mahabang biyaheng tatahakin ninyo papuntang Iriga City sa Bicol region. Gabi na iyon at kakaunti na lamang ng mga taong nagsisilakaran sa paligid ng Ali Mall.

Maya-maya pa, naroon na kayo ni Dexter sa loob ng Amihan bus. Isang komportableng pakiramdam ang dama mo. Kasi may pahingahan ang iyong mga paa at may sariling banyo ang bus. Hindi ka na mag-aalala pa.

At nagsimula na ang biyahe patungong Iriga City.

Sa gitna ng isang gabing paglalakbay, nadarama mo pa rin ang kagandahan ng kapaligiran sa labas ng bus na iyong sinasakyan- maski ba nakapikit na ang iyong mga mata. Tila bagang may isang melodiyang tumutnog, isang musikang nangingiliti, at mga espiritung nagliliparan. Hindi ka gaanong makatulog. Dahil maski tinatakpan ng napakalamig na air-conditioned na hangin ang loob ng bus, tumutusok pa rin ang mga tanawin at kakaibang lipad ng mga hangin sa labas. Nakikita mo iyon. Nadarama.

Hanggang sa tuluyan ka nang maduyan... maidlip... mawala sa kalagitnaan ng buhay, at ng pagibig.


**************************************


DEXTER, MS. EDA DATO AND ROBERT SA RECEPTION AREA NG IRIGA PLAZA HOTEL

EDA, DEXTER AND ROBERT
BREAKFAST AT IRIGA PLAZA HOTEL 

SI DEXTER SA HARAP NG IRIGA CENTRAL SCHOOL


UMAGA.

Medyo antok ka pa nu'ng sa wakas ay marating ninyo ni Dexter ang Iriga City. Namumula pa ang iyong mga mata, marahil, dahil sa madalas na pag-iyak habang ikaw ay nasa loob ng bus. Mga mahihinang pagluha ng kakaibang damdamin sa pagibig na hindi mo naman nakikita....

Habang naninigarilyo si Dexter sa gitna ng mga tricycle drivers na nag-uunahan nang maisakay kayo, tinanaw mo ang Mount Iriga- ang buhay na bulkang bundok sa kaibuturan ng Iriga City. Tila bagang nahihiya pa ito sa iyo na magpakita ng kabuuan niya- dahil may mga makulimlim na ulap na nakatakip sa kanya.

Para ding may sinasabi sa iyo si Mount Iriga. Parang may ibinubulong ito, parang may sinasabi. Buhay na buhay sa paningin mo. Napakaganda. Napakalapit rin niya.

"Tara na", paanyaya ng isang kaibigang kasama ni Dexter. "Punta na tayo sa hotel na tutuluyan natin, Dexter. Maghahanda ka pa sa Forum na gagawin mo. Kailangan mong magkaroon pa ng sapat na paghahanda dahil dalawang oras mula ngayon, magsasalita ka na sa harap ng mga guro."

Ilang minuto pa, naroon na kayo ni Dexter sa Iriga Plaza Hotel and Convention Center sa mismong sentrong plaza ng Iriga City. Malinis, makaluma pero sosyal ang dating ng hotel. Masarap sa pakiramdam. Magagalang lahat ang mga staff at crew ng hotel. Lagi lang silang nakangiti.

Isang masaganang almusal pa ang sumalubong sa inyo ni Dexter maya-maya pa. Iyong isdang daing na kilala sa Bicol ang napili mong menu sa almusal, na may kasamang itlog at kamatis. Si Dexter, American breakfast ang pinili.

Kuhanan ng litrato pagkatapos. Pose dito, pose doon sa loob at labas ng Iriga Plaza Hotel. At muli, maya-maya pa, lumisan na kayo ni Dexter patungo sa Iriga Central School.






**********************


ANG "TAGAHANGA" T-SHIRT NI DEXTER

SI DEXTER HABANG NAGSASALITA SA HARAP NG MGA GURO SA IRIGA CENTRAL SCHOOL





Habang nakasakay kayo sa loob ng isang trasikel papuntang eskuwelahan, nadama mo ng husto ang kaluluwa ng isang buhay na Nora Aunor. Ito ang Iriga City, ang lugar na kinasilangan at kinabilangan ng nag-iisang Superstar sa Philippine Showbiz.

Sa mga gulong na binabaybay ng traysikel, parang nakikita mo, naglalakad doon si Nora. May bitbit na maliit na balde ng mga garapon ng tubig at nagmamadaling naglalakad papunta sa riles ng tren- o, dili kaya, naka-uniporme ng pang-eskuwela at may bitbit na mga notebook.

Alam mo, papunta ka na duon sa mga taong mas higit na nakakakilala kay Nora- dahil ang mga ito ang mga kababayan niya't kadugo. Mga kapwa-Bicolana't Bicolano. Iisang lahi, iisang kaluluwa. Ng isang lugar na hindi binago ng PANAHON- ang IRIGA CITY.

AT HAYUN, NAROON NA NGA KAYO NI DEXTER SA LOOB NG IRIGA CENTRAL SCHOOL.

Pagkatapos ng isang mainit na pagsalubong ni Eda Dato, ang OIC ng mga oras na iyon dahil may pinuntahan ang principal ng Iriga Central School, isang meryendang napakasarap na pansit at fish fillets ang inihain agad sa inyo. Napakasarap na pancit, tila bitin ka pa nga.

Pagpasok mo sa loob ng silid kung saan ay gaganapin ang Forum ni Dexter at pagpapalabas ng docu film niyang Tagahanga, nakita mo ang mga nakangiting mga labi ng mga guro sa Iriga Central School. Napakadami nila. Karamihan ay mga bata pa. Sila ang mga magtuturo sa mga kabataan ng Iriga City. Sila ang mga "unsung heroes" na huhubog sa kamalayan at kaisipan ng mga kabataang Bicolano.

Sapat na iyon para makahinga ka ng maluwag. Ang pagpunta mo sa Bicol ay tunay na may saysay. Tunay na may malinis na mithiin at kaganapan. Dahil mga guro ang pinuntahan ninyo. Kailangan nila ng suporta at atensyon buhat sa mga taga-Maynila na tulad ninyo ni Dexter.

At nu'ng pinanood na nila ang documentary film na Tagahanga na ukol kay Nora Aunor, ang lahat ay tahimik. Ninamnam nila ang lahat ng mga sinabi nu'ng mga taong na-interbyu ni Dexter sa docu film na iyon. mas higit pa rin nilang natuklasan ang mala-higanteng kabuuan ng isang taong kilala na nila nuon pa man- si NORA AUNOR.

Sa Forum na isinagawa ni Dexter, natutunan ng mga Guro ng Iriga Central School ang iba pang mga bagay-bagay ukol sa kasaysayan ng Philippine Cinema na maaari din nilang maibahagi sa mga batang estudyante nila. Dahil, may kababayan silang isang Superstar, dapat din nilang akapin ang mundo ng Sining at ng Pelikula.

Sa gitna ng mga tanungan at salitaan, may isang lumitaw na isang buhay na KALULUWA, isang taong higit pang nakakakilala kay Ms. Nora Aunor. Isang kagalang-galang na babae- kasing-edad halos din ni Nora. Siya ay walang iba kundi ang ORIHINAL na kababata ng Superstar.

Si Aling Siony- si Ginang SALVACION CASYAO-ENIMEDEZ, ang tunay na kababata't kasa-kasamang nag-igib ng tubig nuon ni NORA AUNOR.


SI DEXTER, SI GINANG SALVACION CASYAO-ENIMEDEZ (ANG KABABATA NI NORA AUNOR) AT SI MS. EDA DATO.



(WRITER'S NOTE: PASUMANDALI NAMING PUPUTULIN DITO ANG TRAVELOGUE NA ITO. MAGKAKAROON ITO NG "PART TWO" SA MGA SUSUNOD NA ARAW. ABANGAN.---RMS*)

********************************


Tulad ng isang ilog na patuloy na umaalon sa kaibuturan ng Bicol- ang mga buhay at pagibig ay nagsasama-sama, nagkakaroon ng mga ugnayan at interaksyon, ng pagkikita, at ng pagpapatuloy....

Sa tamang panahon man ng pangkasalukuyan- na gaganapin sa isang malayong lugar lingid ng kabihasnan- at mga sari-saring dimensyon ng oras at panahon-,


Magpapatuloy ang isang istorya-

maging ito man ay istorya mo


o, istorya ni NORA

o ni DEXTER

maging ni SIONY.


Sa Bicolandia ng mga pangarap

sa hatinggabi man ng buhay


ang araw ay sisikat

ang ilog ay sasayaw-



MAGPAKAILANMAN.






(sinulat ni robert manuguid silverio, at mga larawang kuha ni mr. dexter macaraeg).*

"YOU FEEL, YOU SENSE, YOU LOVE"-- AN ANGEL SAID.


1 komento:

  1. Hi Sir Robert. Ang bundok po namin ay Mt. Asog (Mt. Iriga). I'll share your part I story in the entire ICS Family... Thank you.

    TumugonBurahin

RUDY JACKSON, MASKI NASA AMERIKA AY NAKAKATANGGAP PA RIN NG MGA BIYAYA NA IBINIBIGAY DIN NAMAN NIYA SA MGA KAIBIGAN NIYA SA PILIPINAS!

SIR RUDY (IN DRAG) WITH A FRIEND NAMED MANNY SIR RUDY WITH HIS MOST INTIMATE FRIENDS SIR RUDY IN HIS NEPHEW'S HOUSE IN THE U.S. EARLY CH...