THE GREAT CAST ENSEMBLE OF THE FILM "ANG LARAWAN" |
Sa mundo ng mga nilalang na tunay na nagmahal sa sining at sa mga larawang ipininta, ang lahat ay PERSONAL. Hindi iyon ginawa para sa pang-kalahatang kagustuhan, bagkus, sila ay nailikha dahil sa mga personal na damdamin- mga mensaheng mahirap tuklasin, malayong abutin- ngunit nagmarka ng mga kakaibang mga damdamin at paghanga.
Sa espasyo ng kaisipan ng isang taong gumawa ng isang OBRA MAESTRA, ang lahat ay mahiwaga... at, maaari mong sabihin na ang lahat ay isang kabaliwan lamang- dahil ang lahat ng kanyang mga sari-saring damdamin ay nailahad. Hindi man natanggap ng iba, pero nagmarka naman ng walang hanggang pagkamangha.
Sa puso ng isang taong nagmahal, ang lahat ay naging isang pagpapalaya. Kung isang pagtakas man ang dating nu'n sa iba, tanging ang Sining lamang ang nagbigay ng tuldok. Dahil ang Sining, oo, ang Sining ay hindi isang pag-aari. Ito ay isang walang katapusang pagbibigay.
Sa walang kamatayang mga karakter na nilikha ng yumaong National Artist na si Nick Joaquin- ang mga pangalang Paula at Candida ay mga buhay na kaluluwang umibig sa una, at nagmahal din sa Sining, sa pangalawa. At ang pinakamamahal nilang ama ay isa lamang MULTO. Isang multong nabubuhay lamang kapag nagawa na nilang magpalaya, at alisin ang pag-aari sa Obrang Maestrang inihandog para sa kanilang dalawa- mismo, ng multong sumapi sa kani-kanilang mga kaluluwa.
Ang mga karakter na ito ay masasabi mo ngang mga BALIW. Dahil hindi ordinaryo ang kanilang mga ikinilos sa kabuuan ng istorya ng pelikulang ANG LARAWAN, na hango sa dulang PORTRAIT OF AN ARTIST AS A FILIPINO. Pero mga baliw man silang nagmistula, lalo na nung sunugin nila ANG LARAWAN, ay may mas malalim pang kahulugan ang mga bagay na isinagawa nila- na nakaapekto ng husto sa mga taong nasa paligid nila.
Dahil sila mismo ANG LARAWAN na iyon- kaya sila rin mismo ang nagsunog nu'n upang makalaya sila at muling mabuhay. Akapin man sila ng mga multong nilikha ng kanilang ama, o ng mismong ang AMA na nila mismo, sila pa ring dalawa ay nakalaya na.
Alisin natin ang Old Manila na setting, o, ang paparating na nuong World War 2, at ang mga Espanyol na pag-uugali at kultura. Ang pelikulang ANG LARAWAN ay isang personal na atake sa pagibig at sa Sining. Isa rin itong maka-babaeng naging pag-ayon ("a feminist idea") at paglaban sa maraming mga dumating na pagsubok sa pagkatao ng dalawang BABAE-, at ang samahan ng dalawang magkapatid na babae ang mas nangibabaw, at hindi ang pagmamahal ni Paula (makabuluhang ginampanan ni Rachel Alejandro) sa bruskong si Mr. Tony Javier (malalim na atakeng pagganap na ibinigay naman ng aktor na si Paulo Avelino sa karakter na yaon). Maski na si Candida (na napaka-natural na ginampanan ni Joanna Ampil na siyang ikinapanalo niya bilang Best Actress sa nagdaang Metro Manila Film Festival awarding ceremonies) na halatang nagmahal din sa kababata niyang si Bitoy (napakagaling na pagganap sa karakter na ito ang ibinigay naman ng aktor na si Sandino Martin) ay nagawa pa ring magparaya para sa samahan nilang magkapatid (Paula at Candida).
Ito nga siguro talaga ang pelikulang nababagay ukol sa mga kababaihan. Dahil sa isang lumang panahon, nakita mo ang malalakas na uri ng mga babae- maski ba hindi sila umayon sa paparating nang makabagong panahon, lumaban pa rin sila at nagpunyagi.
Medyo na-kornihan lang kami sa naging pagtatapos ng pelikula at ang awiting ginamit doon na mistulang sila'y maaalala mo na lamang sa mga kanta at prusisyon ng Birheng Maria. Mas mainam yatang ipinakita na lamang na sila'y nagmistulang MGA LARAWAN na ipininta, kumilos, lumaban. Mas malaim pa ang dating niyon.
Mainam ang direksyon ni Loy Arcenas at nakatutuwa't nakakagalak ("entertaining", in short) ang mga eksenang nagsipag-awitan sa sala ng bahay ang bawat karakter na umeentra sa eksena. Nakakagaan iyon ng damdamin maski ba mabigat ang mga eksenang kinasangkutan ng bawat karakter sa masalimuot na panahon na 'yun ng Old Manila at nag-uumigting na mga damdamin.
Walang masyadong kabonggahan o sobrang pantastikong eksekusyon na atakeng pang-Sinema-, bagkus, mas ginamitan ni direk Loy ng mga malalapit na anggulo at close-up shots-, at kitang-kita ang mga emosyon sa mukha ng bawat artista. Kaunting kulubot sa mukha nila, may sinasabi na. Nakakamangha.
Maliliit man ang naging partisipasyon ng mga beteranong singer at mga aktor na pang-teatro't-pam-pelikula na tulad nina Celeste Legaspi, Maria Dulce Magdalena Cruz (Dulce), Zsazsa Padilla, Bernardo Bernardo, Noel Trinidad, Jaime Fabregas, Ogie Alcasid, Nanette Inventor, Rayver Cruz, Cris Villonco, at iba pa, tunay na nagmarka naman. Lahat sila'y nag-agawan ng eksena. Lahat ay may sinabing kakaiba sa paningin at panlasa- at nagawa nilang maige ang kani-kanilang mga naging maliliit na papel sa pangkalahatan.
Pero may isang nagnakaw ng husto ng atensyon, hindi lamang dahil sa napakaganda niyang karakter bilang isang Senador ng lumang Pilipinas, kundi dahil sa napakagaling niyang pag-arte. Ito'y walang iba kundi ang dakila't beteranong aktor na si Robert Arevalo. Bow!
Sa mga delikadong oras na 'yun at mga sandali, nagawa ni Ginoong Arevalo ng buong husay ang tamang damdamin at timplada na nais ipalahad nu'ng taong sumulat nu'n, at ng tunay na mensahe ng pelikula't dula.
**************************
Alisin muli natin ang sobrang gandang Disensyong Pampelikula ng mga aninong gumagalaw na ito, pati na ang Sinematograpiya't nakakaaliw na Musika ni Ryan Cayabyab. Pati na rin ang leksyon at panibagong paghamon na ibinigay ng pelikula para sa mga kabataang Milenyal at maging sa pangkasalukuyang mga mag-aaral ng Sining.
Alisin din natin ang maayos na Editing at Sound Design. Oo, alisin nating lahat ang mga yaon...
Ang pelikulang ito- kasama ng lumang dula- ay namatay na, hindi tinangkilik sa umpisa at inamag na sa mga baul ng mga taong unang nagmahal sa kakaibang likhain na ito...
Pero ngayon, ito'y muling nabuhay. Oo, muling nabuhay. Dahil may dalawang nilalang na nag-udyok ng kakaibang damdamin sa pelikula. Dalawang lalaking hinuhulaan naming magiging KINABUKASAN ng Philippine Cinema-
ARAW-GABI, sila'y makakasama mo.
Isang lumang kaibiga't peryodista sa isa at isang bagong mapusok na mangingibig naman sa pangalawa...
At, sila rin ang gigising sa natutulog mong mga kalamnan-
PAULO AVELINO AT SANDINO MARTIN sa kakaiba nilang mga pagganap sa iisang pelikula.
HABAMBUHAY.
(sinulat ni robert manuguid silverio)
sandino martin delivers a very precise characterization in the film "ang larawan" |
paulo avelino: as tony javier in the film "ang larawan" are the kind of roles that will transform him |
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento