"PATAY NA SI MARIA CLARA!" (O, ISANG HAPON SA SCRIPT-READING NG DULANG "EL FILIBUSTERISMO" NA PAGNINILAY-NILAY...)

leonor rivera: the real-life maria clara




"PATAY NA SI MARIA CLARA!", sigaw ni Morris Sevilla (na gumaganap sa karakter na Basilio), isang guwapong aktor sa Teatro sa isang script-reading na isinagawa para sa dulang EL FILIBUSTERISMO ng Gantimpala Theater Foundation. "PATAY NA SIYA!!!!"

Umatungal naman sa iyak ang aktor na si Roeder Camanag (na gumaganap naman sa papel na Simoun) nu'ng marinig niya ang mga katagang sinambit ni Morris. Damang-dama mo ang mga iyak na iyon. Tumutusok sa buong puso mo't kaluluwa. Dahil hindi matanggap ni Simoun (na siya ring si Crisostomo Ibarra) ang pagkamatay ng isang babaeng pinakamamahal niya.

Oo matagal na ngang patay si Maria Clara. Nu'ng panahon pang 'yun ng mga Kastila na kung saan, ang mga kakabaiha'y unti-unti nang namumulat sa katotohanan ng buhay at ng pagibig. Wala na ngang Maria Clara sa panahon ngayon. Wala na ring Dalagang Pilipina.

Sa kabubuuan ng script-reading na iyon na isinagawa sa backstage ng AFP Theater kamakailan lang, unti-unting nangabuhay muli ang ilang mga karakter sa nobelang Noli Me Tangere. Pero sa dulang ito na hango naman sa nobelang El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal, ang mga karakter na iyon ay nag-iba na ng hitsura, binago ng mga panahon at pangyayari, nag-"transform" sa iba't-ibang mga kulay at kaanyuhan. Samantalang ang SISTEMA ay nanatiling ganu'n pa rin. Ang malalakas na ulan ng kasakiman at pagka-gahaman ang siya pa ring umiiral.

Salamat sa Gantimpala Theater Foundation at salamat rin kay direk Jose Jeffrey Camanag (na siyam na taon nang idinidere ang dulang ito - taon-taon, at walang palya) na siyang nagpapaalala pa rin sa kaisipan at kamalayan ng bawat kabataang Pilipino ang kahalagaan ng ating nakaraan. Dahil kung hindi mo huhuklayin ang mga ugat na iyong pinagmulan, hindi mo rin makikilala ng lubusan ang iyong sarili. Sa dulang EL FILIBUSTERISMO, ang pagka-Pilipino mo ay mananaig pa rin.

Kahanga-hanga ang ipinamalas na kahusayan ni Roeder Camanag nu'ng hapon na iyon na maski script-reading pa lamang ay nasa "performance level" na siya. Hindi na niya halos binabasa ang script. Memoryadong-memoryado na niya ang bawat linya niya sa dula. Tunay namang kahanga-hanga. Sana ang lahat ng aktor sa Teatro ay tulad niya.

Si Paul Jake Paule naman na gumaganap sa papel na Kabesang Tales ay nakakapag-deliver pa rin ng mga linya niya ng maayos at makapangyarihan maski ba nakapikit siya. Tulad din ni Roeder, maski ba script-reading pa lamang iyon ay madarama mo na sa tinig ni Paul Jake ang mga emosyong inilalahad ng kanyang karakter.

Sa paglibot ng isang pares ng mga mata sa kabuuan ng paligid, nakita nito ang isang maganda, sariwa at makabagong grupo ng mga aktor na magsisiganap ng sari-saring mga papel sa dula. 

Kay sarap nilang tignan. Na maski ba mga bata pa sila at mga bago, nakaka-deliver na sila ng matuwid at mahusay. Maganda ang paghahasa siguro na isinagawa sa kanila ng kani-kanilang mga naging guro sa pagganap.

Napaka-lalim pala ng mga mensaheng nakatago sa bawat linya ng mga karakter sa dulang EL FILIBUSTERISMO, kasi kadalasan, nilalampasan itong basahin ng bawat mag-aaral (isa na kami roon) kapag inutusan sila ng kanilang mga guro na basahin ang isang kabanata. Kaya ang nangyayari, hindi talaga kabisado ng karamihan ang libro.

Buti na lamang, mula pa nu'ng 2006 (at ang yumaong si Soxy Topacio ang unang naging direktor ng adaptasyon sa nobela para maging isang ganap na dula) ay mas mainam na itong napapanood ng ilang mga piling mag-aaral sa mga pribadong eskuwelahan keysa sa basta na lang basahin sa libro. Mas umaayon sa kanilang panlasa na masaksihan ito sa isang dula keysa sa mabasa. Tama lamang.

Siyam na taon nang idinederehe ito ni Jose Jeffrey Camanag para sa Gantimpala Theater Foundation. At sa taong ito, si direk Jeffrey muli ang magdidirehe.

"May Musika na rin ito ngayon", nasabi pa ni direk Jeff. "Mula iyon sa komposisyon ni Jesse Lucas. At sa taong ito, mage-experiement ako. Ang mga galaw ng mga tauhan ko sa dula ay makikisayaw ayon sa rhythm ng Musika. Tila isang alon na nakikisabay sa pagsalpok nito sa baybay-dagat. Tunay na maka-sining na mga galaw."

Kamangha-mangha. 

At script-reading pa lamang na iyon, sadyang nakakapanabik na itong panoorin. Tiyak niyan, mas lalong gaganda iyon sa oras na magsipag-galawan na ang bawat karakter na nagsipagsalita ng kani-kanilang mga linya nu'ng araw na iyon.

Patay na nga si Maria Clara sa dulang ito. Pero ang diwa't kaisipan niya'y mabubuhay pa rin....



MAGPAKAILANMAN.






(sinulat ni robert manuguid silverio)
(mga larawan ay na-Google lamang. credits goes to the real owners of the photos. AT ang musical vid na "Life In Mono" na naka-attach ay inilagay lamang "for dramatic purposes" ng blog article, wala itong kaugnayan sa dulang "El Filibusterismo").***




simoun and basilio

padre florentino (joe gruta) and roeder camanag (simoun)

ang LAMAPARA AT SI SIMOUN (sa dulang "el filibusterismo"







Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

RUDY JACKSON, MASKI NASA AMERIKA AY NAKAKATANGGAP PA RIN NG MGA BIYAYA NA IBINIBIGAY DIN NAMAN NIYA SA MGA KAIBIGAN NIYA SA PILIPINAS!

SIR RUDY (IN DRAG) WITH A FRIEND NAMED MANNY SIR RUDY WITH HIS MOST INTIMATE FRIENDS SIR RUDY IN HIS NEPHEW'S HOUSE IN THE U.S. EARLY CH...