Magtataka ka kung bakit. Magtatanong kung paano. At mag-iisip kung ano. Sa gitna ng masalimuot na gubat ng komersyalismo at modernisasyon- ng Kapitalismo at Monopoliya- ng pakikibaka at pakikipaglaban.
BAKIT. PAANO. ANO.
Sa dugong dumadaloy sa iyong mga ugat, damang-dama mo sila. Ang iyong mga kasama. Ang iyong mga ninuno. Sa mababang kalooban na nagsipaghimaksikan- sa gitna ng dagat ng apoy at mga eskinitang kumakabog.
Ito ang kanilang mga tinig, dinig na dinig mo. Mga damdaming nuon pa ma'y inakap mo, mga pusong nagkalat ng dugo at mga aninong hindi mo man nakita- patuloy pa ring umakap at nagnasang makita ka. Sa isang lugar na kinasilangan mo-
ang MAYNILA.
Hindi ka man magbabalik pa, sa isang musikal na dula- sila'y nangabuhay muli. Parang isang pinturang kumalat sa iyong kaluluwa.
Marahil ay sinadya ng Nasa Itaas na makita mong muli SILA. Hindi man sa panaginip, o sa mga pangitain- kundi sa isang napakagandang presentasyon ng isang TEATRO. Nabigyan ng ganap na hustisya at karangalan, ng sigla at lumbay, ng poot at pagibig.
Hayun ka at nakaupo sa komportableng silya ng KIA Theater. Hindi ka makahinga sa bawat eksena. Inagaw ng iba pang malalakas ding mga palakpak ang tunog ng mga kamay mong nagdampian. Ito na nga yata ang pinakamagandang bagay na nakita mo't nasaksihan.
ITO ANG DULANG "MAYNILA: SA MGA KUKO NG LIWANAG (THE MUSICAL)"
Sa napaka-pulidong direksyon at eksekusyon ni direk Joel Lamangan na hango sa imortal na pelikulang Maynila: Sa Mga Kuko Ng Liwanag nu'ng Dekada 70, nailahad ng husto ni direk Joel ang tunay na kahulugan ng istorya- sa bawat diwa at anggulo nito. Ito ay naipakita niya sa mga eksaktong biswal na mga gunitain, pagkilos at pagkakasunod-sunod ng mga eksena't pangyayari.
Idagdag pa ang walang kamatayang kahusayan sa Choreography ni Douglas Nierras. Ang mga sayaw at galaw ay may malalim na puwersang pinaghuhugutan. Umaayon sa bawat damdamin at agos ng melodramatikong aspeto sa isa at mapangahas ding lagablab sa kabila.
Ang mga ilaw na ipinakita ni JN Nombres ay kakaiba sa paningin. Nguni't napakaganda. Mas higit nitong binigyan ng sari-saring pakiramdam ang mga anino't taong nagsisigalawan- umaakma sa bawat panlasa ng isang manonood.
Ang disensyong pang-Teatro ni Jun Flavier Pablo ay ibabalik kang muli sa lumang Maynila. Sa mga bagay at kalyeng 'yun na nilakaran mo rin nuong ikaw ay musmos na bata pa. Gumagalaw ang mga disenyong iyon na tila bagang mga pintig ng isang pusong humihiyaw
Ang panulat na adapsyon nina Jose Victor Torres at Em Mendez ay hindi naligaw sa tunay at orihinal na dulang pampelikula nuon. Nakuha nito ng maayos ang timpla at banayad na hugis ng pagsasalarawan.
Ang MUSIKA ni Von de Guzman ay nakakapangilabot, nakakaiyak, nagmamarka. Sa bawat lirika, tunog at melodiya- tumatagos sa puso. Nagbibigay-himlay at kapayapaan. Lalo na ang awiting "Kumusta Ka?" na ginamit doon sa eksenang nagtagpo muli sina Julio at Ligaya sa loob ng Quiapo church.
Si Aicelle Santos bilang si Perla ay may malawak na dimensyon sa kanyang pagganap. Ang kanyang tinig ay napakaganda.
Si Rafa Siguion Reyna bilang si Imo ay puno ng sigla at diwa.
Si Sheila Valderrama-Martinez bilang Ligaya Paraiso ay tunay na nagpamalas ng kahusayan at dramatikong paglalahad ng isang karakter na minsan nang minahal ng Sambayanang Pilipino- si Ligaya, oo, si Ligaya....
Ang buong CAST ENSEMBLE ng dulang ito ay dapat luhuran, yukuan at purihin- dahil napakatindi (pasensya na po sa panay na gamit ng salitang "NAPAKA" sa rebyu na ito.--rms*) sa ipinakita nilang mga kagalingan sa pagsayaw, pagkanta at pag-arte. Nagsanib at naging iisa tuloy ang kanilang "unified passionate expressions" na kamangha-mangha sa mga biswal na presentasyon mula sa entabladong kanilang ginalawan.
Sa pambukas na eksena pa lamang ng dulang ito, halos napalundag na kami sa ganda at pagkamangha. Doon pa lang ay sulit na sulit na ang panahon mo sa ginawang pagmatyag. Maski na roon sa mga bumili ng mga tickets nito.
Ang unang Parte o ACT 1 ng dula ay ukol sa pakikipaglaban ng bawat ordinaryong manggagawa- ang mga hirap na kanilang kinasadlkan. Ang mga pait na kanilang dinanas. At nuong namatay na ng magkasunod ang kanilang dalawang kasamahan- ang banderang ibinuyangyang nila ay kulay PULA. At, ang mga mata ng aktor na humawak sa banderang iyon ay nagliyab sa poot- nagsaad ng patuloy pa rin nilang pakikipaglaban sa BUHAY, at, sa PAGIBIG mandin... Ito sana ang naging pagtatapos ng dula, sa aming pagbabaka-sakaling mga gunitain. Dahil ang katotohanan at realidad lamang ang isinaad ng eksenang iyon.
Pinakagustong eksena ng karamihan ang pagsapit ni Julio sa tahanan nina Atong at ng kapatid nitong si Perla. Ang paglabas ng mga karakter sa gitna ng madilim at mala-esterong kapaligiran at disenyo, idinagdag pa ang musikang nakabagabag at mga sayaw at indak na nakakatakot-, NAPAKAGALING. NAPAKAGANDA. Ang mga ilaw dito ay nagiiba-iba.
***********************
Babalik ka pa ba sa Maynila? Tanong ng isang kaluluwa sa kanyang sarili.
Marahil ay hindi na. Maski ba dito ka isinilang at dito mo naranasan ang unang batang nakalaro mo sa simbahan ng Sto. Nino de Tondo, o ang binatang kaeskuwela mo sa San Sebastian College na nagpunta sa bundok.... at, ang huling pagibig mo kamakailan lang sa isang kabataang lalaki na nagpamalas sa iyo ng wagas na kapangyarihan ng pagibig-....,
Oo, marahil ay hindi ka na nga talaga babalik pa. Hindi ka na muling maglalakad. Hindi ka na muling maghahanap din-
Tulad ng paghahanap ni Julio Madiaga kay Ligaya Paraiso... ikaw din ay namatay na tulad nila.
At nu'ng nabuhay kang muli, itinanong mo sa kanila: "MAY MGA JULIO MADIAGA AT LIGAYA PARAISONG NABUBUHAY PA RIN BA SA MUNDONG ITO?"
*************
Sa isang dulang tanging ang isang aktor lamang ang makapagdadala mula sa umpisa at hanggang sa huli-
Napakadakilang naipamalas ni Arman Ferrer ang tamang Julio Madiaga sa kaisipan ng isang nilalang at bawat manonood-
At, iyon lamang ang sadyang importante sa dulang ito. Nagawa iyon ni Arman sa isang PANTASTIKONG kaganapan....
ng buhay
at PAGIBIG,
MAGPAKAILANMAN.
(sinulat ni robert manuguid silverio)
Maraming Salamat kay Mr. Von de Guzman sa Youtube MTV niya sa itaas.*
ARMAN FERRER as JULIO MADIAGA: A FANTASTIC PERFORMANCE |
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento