cusi at work |
cusi: "i have no fear" |
Ito ang tunay na Sining na walang pretensyon, pagkukunwari at pagkukulang. Damang-dama mo, kitang-kita mo. Totoo, walang bahid ng paglilinlang o pagbabalat-kayo. Kaya halos mapaiyak ka nu'ng hapon iyon. Dahil, tila bagang inakap ka ng buong-buo ng Sining. Hinalina. Pinahintulutang makapasok ng buong-buo.
Isang hapon iyon, na inimbita ka ni Ginoong Rafael "Popoy" Cusi na pasyalan siya sa kanyang working studio. Damang-dama mo ang kanyang sinseridad sa pag-anyaya. Kaya talaga namang papunta ka pa lamang sa studio niya, tila bagang umiiyak ka na.
Si Kuya Popoy mo, na isang tinitingalang Painter sa buong mundo. Mrami ang nagbansag sa kanya na 'The Greatest Filipino Watercolor Painter', pero lingid sa kaalaman ng karamihan, hindi lamang sa watercolor painting tunay na napakagaling ni Kuya Popoy. Kundi pati na rin sa iba't-ibang aspeto, o mga genre ng Painting. mapa-nude sketches, oil, acrylic, charcoal, at iba pa- na-master na talaga ni Kuya Popoy.
Kaya hayun ka, naglalakad sa kahabaan ng isang kalye sa Pasay City, sa likod ng isang palengke at Mall doon, papunta sa Working Studio ni Kuya Popoy. Pilipinong-Pilipino ang kapaligiran, masang-masa, ika nga. Tunay na tunay. Pero ang hindi mo alam, may sorpresang naghihintay sa iyo.
Nu'ng marating mo mismo ang lugar ng Working Studio ni Kuya Popoy, saglit kang naghintay sa labas habang nagpre-prepara siya dahil tila naging abala siya sa pagpipinta. At maya-maya lang, hayun na si Kuya Popoy na sumalubong sa iyo at nag-imbitang pumasok sa loob ng kanyang Working Studio.
Pagpasok na pagpasok mo sa loob ay tumayo ang mga balahibo mo sa buong katawan. Bawat sulok na makita mo sa loob ng kanyang sulok, ay ISANG MANIPESTASYON NG DAKILANG SINING. Buhay na buhay, tila may mga kaluluwa. Til bagang bigla kang napunta sa kakaibang dimensyon ng buhay.
Napakasarap ng naging pakiramdam mo. At doon, tuluyan ka nang napaiyak. Nakita iyon ni Kuya Popoy mo.
"Hindi lang ikaw, Robert, ang napaiyak ng ganyan sa mga bisita kong nakapasok na dito sa working studio ko", bungad na sabi ni Kuya Popoy. "Kamakailan lang, isang executive sa isang corporate office sa Makati ang napaiyak rin pagkapasok dito sa studio. Talagang natangay siya ng mga emosyon niya. Iba kasi ang ambience dito sa loob ng studio ko kumpara sa labas. Hindi mo iisipin na may ganitong lugar sa magulong siyudad sa labas."
Umikot pa ang aming paningin sa loob ng studio ni Mr. Cusi. Isa sa mga naka-akit sa aming paningin ay ang painting niya kay Poong Itim Na Nazareno. Sa una, ang akala namin ay babae ito. Pero napakalalim nung mga damdamin na isinaad ng painting na iyon.
"Kamukha siya ng aking ina", sabi ni Kuya Popoy. "Marami ang nakakapuna sa painting na iyan. Sa lahat ng pumupunta dito, isa iyan sa laging napupuri."
Mayroon ding isang frameless painting doon si Kuya Popoy na mukha ng isang bata. May kulay na charcoal painting iyon, pero tila buhay na buhay ang painting na iyon dahil kakaiba ang emosyon nu'ng bata- tila umiiyak, tila nagagalit, tila natutuwa.
Ang pinakamalaking larawan ay iyong nasa pinaka-gitna ng studio ni Kuya Popoy. Isang malaking larawang tinatapos niya na watercolor- isang eksena sa pusod ng karagatan. Napakaganda!
Nakapalibot din sa loob ng studio ni Mr. Cusi ang mga sari-saring nude sketches niya. Lahat, walang itulak-kabigin. Nakakamanghang isipin na ang isang simpleng nude sketch ay tila bagang nangungusap sa isang natatanging porma at kagandahan.
Kaya nu'ng tanungin namin si Mr. Cusi ng ganito: "Paano n'yo po ide-describe ang sarili ninyo bilang isang Pintor?"
Naririto ang maagap na kasagutan ni Kuya Popoy:
"Hindi ko tina-typecast ang sarili ko!", anya. "I HAVE NO FEAR. Ang Sining ng pagpipinta ko ay walang katapusan, walang hangganan, walang LIMIT. Kasi ako, lagalag ako. Wala akong pakialam, basta makita ko lang ang mga gawa ko, masaya na ako.
"May iba diyan, sinasabi nilang Minimalist sila, pero ako, hindi!!", dugtong pa ni Kuya Popoy. "At nagpapasalamat ako sa Diyos, dahil sa edad kong 70 years old, punong-puno pa rin ako ng mga ideya. Minsan, hindi ako nakakatulog sa gabi dahil sa mga ideyang ito. Para akong bata na na-e-excite palagi na ma-execute ko ang mga ideyang iyon sa pagpipinta. Hindi ako nagpapahinga sa mga pinagpaguran ko."
Kamakailan lamang, naging isang judge si Kuya Popoy sa isang Painting Event sa Bulacan, mula sa paanyaya ni Ginoong Armando Pilapil Sta. Ana, at nakita niya roon na buhay na buhay ang Sining sa Bulacan at maraming mga baguhang Pintor ang tunay na nagpapakita rin ng kagalingan.
Sa Nueva Ecija naman, kaibigan niyang matalik si Ginoong Armando Giron, ang head ng NECHA (Nueva Ecija's Council for Culture, History and Arts), at isa ito sa mga Art dealers ni Kuya Popoy.
Napaiyak na rin minsan ni Kuya Popoy ang butihing maybahay ng yumaong si Ferdinand Bote (R.I.P.) na si Ginang Mayvelyn Javier Bote (na tumatakbo ngayong Alkalde sa Papaya, Nueva Ecija) dahil sa napakagagandang sceneries sa kanilang lugar na ipininta ni Kuya Popoy.
Kagagaling lang din ni Kuya Popoy sa bansang Taiwan at sa ilang bansa sa Europa, kung saan ay nailagay pa siya sa mga libro doon bilang isa sa pinaka-magagaling na Pintor sa buong mundo. Ipinakita pa sa amin ni Kuya Popoy ang mga librong iyon na kung saan ay kahanay siya ng mga pinaka-magagaling na Pintor sa buong mundo sa pangkasalukuyang panahon.
******************* ************* ***************
Habang kumakain kami ng Pizza Pie at Coke bilang pampa-lamig, lalo naming nadama ang kakaibang kaluluwa ng dakilang Pintor na ito.
Isa siya sa mga nag-angat sa mga Pilipino sa mundo ng pagpipinta. Pero hindi doon natatapos ang lahat. Sa edad niya, alam niyang marami pa siyang dapat na gawin. Mga larawang dapat na pintahin, mga damdaming paiiyakin dahil sa Sining at sa mga alay nito, mga kulay na patitingkarin.
Isang pasasalamat po sa paanyaya mong masilip ang iyong Working Studio, Kuya Popoy. Napakasuwerte namin, iyong ang nadama namin.
Kaya sa mga susunod pa, may mga mababasa pa ukol kay Mr. Rafael "Popoy" Cusi sa blog site na ito. Pero bilang isang pagtatapos na tanong: "Ano po ba ang pinaka-ardent dream mo, Kuya Cocoy?"
"Ang magawa ko ang longest and biggest watercolor painting in the whole world", pagtatapos na wika ni Kuya Popoy. "Na tipong pang-Guinness Book of World Records. At walang dapat na magtanong kung paano ko gagawin iyon."
Opo, Kuya Popoy. Naniniwala kami sa iyo.
(sinulat ni robert manuguid silverio)
MGA LARAWAN HABANG NAGPIPINTA SI GINOONG CUSI AY MGA PAG-AARI NI MR. ARMANDO GIRON
SI RAFAEL CUSI HABANG PINAPANOOD NG MGA TAGA-NUEVA ECIJA |
ISANG LARAWAN NI CUSI |
SI CUSI, HABANG NAGPIPINTA SA TAHANAN NI ARMANDO GIRON |
ISANG OIL PAINTING NI CUSI |
A CUSI ORIGINAL WATERCOLOR PAINTING |
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento