DIREK DEXTER MACARAEG AND CEONY ENIMEDEZ (NORA'S CHILDHOOD FRIEND) |
IKALAWANG UMAGA. IRIGA CITY PA RIN.
Napakagandang pagmasdan ng Iriga City tuwing umaga. Napakasariwa ng hangin maski ba nasa mismong siyudad ka. May nalalanghap ka ring mabangong usok sa di-kalayuan- marahil, mga usok na nanggagaling sa mga sariwang tuyong dahon ng kapaligiran.
nakita mo, nagbibigayan ang mga tao sa pagtakbo at sa paglakad, hindi sila nag-uunahan- 'di tulad sa Maynila. Wala kang madamang tensyon o kung anupaman. Ang mga tao sa town plaza na kinaroroonan ninyo ni Dexter Macaraeg ay pawang mga nakangiti, maaliwalas.... masasaya.
"Maghanap tayo ng mapag-aalmusalan", wika ni Dexter. "Huwag sa Jollibee o Chowking dahil sawa na tayo du'n kapag nasa Maynila tayo. Iyong ibang putahe naman, tara."
Lumiko-liko sa iba't-ibang kalye ng plaza ng Iriga hanggang sa marating iyong gilid ng palengke ng Iriga City. At habang naglalakad kayo ni Dexter, biglang sumulpot si Aling Ceony, ang kababata ni Nora Aunor. Si Aling Ceony, nu'ng bata pa at estudyante pa, ay naging VALEDICTORIAN sa Iriga Central School na ang lokasyon ay doon din sa Iriga City.
Isang magandang pagkakataon dahil may usapan rin sila ni Dexter sa umagang yaon. Tunay namang pinagtagpo sila ng tadhana. Sinadyang magkitang muli.
Si Aling Ceony na ang nagdala sa inyo sa magandang puwesto sa palengke na pag-aalmusalan ninyo. Malinis ang mga lutuin doon, sariwa. Ang palengke ay puno ng mga tao at masasarap na pagkain at pampasalubong na mga suman at kakanin. Naituro pa nga ni Aling Ceony 'yung Pinuyos na suman na paborito daw ni Nora Aunor. Bumili siya nito upang ibigay sa inyo.
Masarap na almusal ng itlog, longganisa, menudo ang kinain ninyo. May pang-matamis na Maruyang Saging na Saba. Kay sasarap.
"Mamayang tanghalian, doon na kayo kumain sa bahay at magluluto ako. Gusto rin kasi kayong makilala ng mga anak ko", pag-iimbita pa ni Aling Ceony. "Magluluto ako ng inihaw na tilapia at ginataang tulingan. Magsalo-salo tayo."
Habang nagsasalita si Aling Ceony, biglang lumitaw sa tabi niya si Freddie. Ang binata niyang anak. Ito na ang nag-istima pa ng husto sa dalawang taga-Maynila.
******************************
Sabi nila, nagbabago raw ang bawat tao. Tulad ng mga alon sa dagat na laging sumasalpok sa mga batuhan, ang pagbabago ay kakainin ka ng buong-buo kapag hindi ka nakiayon dito.
At, sa mundong ito raw, walang permanente at WALANG FOREVER. Lahat ay may katapusan. Lahat ay may panimula, at meron ding palaging THE END.
Pero tunay namang kay sarap namnamin, 'yung mga taong nagsasama-sama pa rin, kahit mapuputi na ang kani-kanilang mga buhok, ay lalong pinagtitibay pa ng panahon.
Sa mundong psikal na nahahawakan mo at naakap- lubhang nakikiayon dito ang pang-matagalang pakikipag-kaibigan.
Hindi lang sa ibang dimensyon, kundi maging sa natural na mundo.
******************************
Ang paliko-likong daan sa loob ng palengke ay lulusot din bala sa riles ng tren at sa simpleng tahanan nina Aling Ceony. Sinundo kayo ni Freddie sa Iriga Plaza Hotel upang doon mananghalian sa kanila.
Ipinakilala pa kayo ni Aling Ceony sa mga anak niyang pawang lalaki at isang hipag na babae. Napakasarap nu'ng ginataang tulingan ni Aling Ceony, at ang inihaw na tilapia naman ay sobrang linamnam. Iba talaga ang mga pagkain sa probinsya, sobrang kay tatamis at kay sasariwa...
Maya-maya pa, nag-umpisa na ang SHOOTING.
Hayun si Aling Ceony at nagsasalita ng mga ilang gunitain ukol sa kababata niyang si Nora Aunor. Ang mga matatamis ding karanasanang pinagsaluhan nila nuong sila'y mga bata pa. Sila talaga ang tunay na magakaibigan nuon pa man, kasi may ibang nag-aangkin na sila daw ang mga kababata ni Nora, pero hindi naman sila ang TUNAY na mga kaibigan ni Nora kundi si Aling Ceony lang.
Sa nalalapit na short film/semi documentary film ni Dexter Macaraeg ay malalaman ninyo ang buong istorya ukol sa friendship nilang dalawa. May pamagat itong-"KABABATA". Produced by SINE ABRENO.
Pagkatapos makunan ni Aling Ceony, naghanap siya ng dalawang batang babaeng gaganap sa papel nilang dalawa ni Nora. At may nakuha naman siya agad.
Sa riles ng tren kinunan ang mga eksenang yun. Kunwari'y mga bata pa sina Aling Ceony at Nora. Nag-iigib ng tubig. Naglalakad sa gilid ng tren. Magkaakbay. Magkaibigan.
ALING CEONY, NORA AUNOR'S KABABATA |
CEONY AND NORA NOW |
THE REAL YOUNG NORA AND THE REAL YOUNG CEONY IN A VINTAGE PHOTO |
young nora and young ceony in the short film "kababata" |
MGA BATANG GAGANAP SA PELIKULANG "KABABATA" (short film) |
**********************
Umabot na ang dapit-hapon at kailangan na ninyong lisanin ang Iriga City. Sa Naga City naman ang sumunod ninyong pinuntahan. Doon, medyo mas relaks na ang lahat at ipinasyal kayo nina Mayen Pante at Imee Badiola sa Naga City Cathedral at Church of Our Lady of Penafrancia, pagkatapos ng isang masarap na kainan sa Anthosia Cafe sa Naga City.
Enjoy din kayo dahil nakakatuwa ang mga batang sina Charmelle Badiola, Jed Badiola at Cashley Jrian de Castro. Mas lalong sumaya ang Bicol trip ninyo sa pagtatapos.
**********************
Babalik ka pa ba sa Bicol? Naitanong mo sa sarili mo. Oo. Oo...
Isa ito sa mga lugar kabalik-balik dahil sa taglay nitong KAGNDAHAN.
See you again soon, Bicol.
(sinulat ni robert manuguid silverio)
MGA LITRATO MULA KAY: MR. DEXTER MACARAEG
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento