ISANG PAYAPANG DAIGDIG PARA KAY DR. JOSE RIZAL (isang rebyu sa TDR ng "Noli me Tangere, The Opera", AT MGA LARAWANG KUHA NI MR. DENNIS SEBASTIAN)....



Minsan, may isang maliit na gamu-gamo ang umali-aligid sa loob ng ilaw ng isang munting lampara, Ninasa niyang makamtan at maakap ng buong-buo ang liwanag. Natakot siya sa kadiliman. Maliit man ang gamu-gamo na iyon, buong tapang naman niyang hinarap ang init ng kaliwanagan. Napaso man siya o nasunog dahil sa tindi ng liwanag at init, nakamtan naman niya ang mga kasagutan.

Isang payapang daigdig lamang ang hiniling ng ating Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal. Pero hindi ito naibigay sa kanya nu'ng nabubuhay pa siya. Nangarap siya ng isang payapang Pilipinas at tahimik na Rebolusyon. Pinigilan niya ang mga tabak, espada at itak. Pero ang lahat ng mga ito, hindi sumang-ayon sa kagustuhan niya. At siya ang nagsakripisyo, kasama pa ang ilang matatapang din na mga Pilipino para sa kalayaan ng Pilipinas sa mapang-lait na pananakop ng Espanya.

Sa klasikong Opera na pinamagatang "Noli Me Tangere, The Opera", hindi naging kailanman payapa ang daigdig. Napakasakit din ng naging pagtatapos sa halos lahat ng mga karakter sa dulang ito na naisalin sa Opera maraming mga taon na ang nakakaraan. Nilapatan ng Musika ni Felipe Padilla de Leon at ang Libretto naman ay sinulat ni Guillermo Tolentino. Kapwa sila mga National Artists ng bansang Pilipinas, at si Felipe Padilla de Leon din ang siyang lumikha ng Musika ng klasikong Pamaskong Kanta na pinamagatang Payapang Daigdig.

Ang apoy na sumunog sa katawan nina Elias at Sisa, ang siya ring apoy na magtatagal sa bawat puso, kaluluwa at damdamin ng bawat Pilipino. Ang apoy na sinilaban ng batang si Basilio, at ang apoy rin na nilikha ng matapang na diwa ng Crisostomo Ibarra- ito ang apoy na magsisiklab ng patuloy-tuloy.

Habang ang bawat Pilipino'y naapi. Habang ang bawat Pilipino'y pinapatay. Habang ang bawat Pilipino'y inaagawan ng yaman na nararapat lamang na sa KANILA.

Si Ivan Nerry bilang si Crisostomo Ibarra ay kakaiba, hindi iyong ordinaryong Ibarra na maliit at makisig, kundi ang Ibarra na matangkad at punong-puno ng matapang na karakter. Nagustuhan namin ang Ibarra na ito dahil bago sa aming paningin at nakuha naman niya ang tunay na mensahe ng karakter na kanyang ginampanan.

Si Bianca Lopez bilang si Maria Clara ay may napakagandang tinig na hindi sumisigaw kundi nakikiusap at nagmamahal. Magaling siya, kung tutuusin.

Si Ginoong Joseleo Logdat bilang si Elias ay tamang-tama lamang ang timpla at napakagaling din. Kay sarap niyang pakinggan kapag kumakanta na.

Pero ang higit na nakakabilib sa TDR ng Noli me Tangere, The Opera ay si Bernadette Mamauag na gumanap na Sisa. Nakakapanindig-balahibo ang kanyang naging pagganap.

Kahanga-hanga din ang naging pagganap ni Miguel Suarez, ang batang aktor na gumanap bilang Basilio. Kuhang-kuha ng emosyon ng kanyang mukha ang tunay na damdamin ng batang si Basilio.


****************   *************   ************


Sobrang napakaganda ng dulang NOLI ME TANGERE, THE OPERA. Nangunguna na ang Set Design and Creative Vision ni Jerry Sibal, kasama na ang kanyang direksyon.

Sa mga eksekusyon, perpektong stage blockings, galing ng mga artistang nagsiganap, at sa presentasyong pang-kabuuan, dapat ikredito si Ginoong Jose Jeffrey Camanag, ang co-director ng dula.

Ang Costume Design naman ni Albert Figueras, ay makatotohanan, awtentiko at makapangyarihan ang dating. Maganda, magandang-maganda.

Ang Ilaw na Pang-direksyon ni Dennis Marasigan ay may tamang timpla. Maayos, makulay, malinaw. Nakiayon ang mga ilaw na iyon sa isang lumang larawan ng Pilipinas.


************** ************ ***********

"Isang napakalungkot na pagtatapos", nasabi pa ng social media influencer na si Dennis Sebastian pagkatapos niyang mapanood ang kabuuan ng dulang NOLI ME TANGERE, THE OPERA.

Pero sa isang malungkot na pagtatapos, ang kapayapaan ay saglit iiral.

Sa pagsasakripisyo ng kani-kanilang buhay, ang kapayapaan ay saglit ding madarama.

Isang payapang daigdig para kay Dr. Jose Rizal.

Yun lang po ang hiniling niya.


At sana,

'yun din ang maibigay natin.

Sa lahat ng mga Pilipinong nag-alay ng kani-kanilang mga dugo at pawis.

para makamtan



ang payapang daigdig.



MAGPAKAILANMAN.






(sinulat ni robert manuguid silverio)


(MULA SA KALIWA: BLOGGER ROBERT SILVERIO, ACTOR JAPOY DONES AND MR. DENNIS T. SEBASTIAN)
MGA LITRATO AY EKSKLUSIBONG MGA KUHA SA DULANG "NOLI ME TANGERE, THE OPERA" AT PAG-AARI NI MR. DENNIS T. SEBASTIAN.**















Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

RUDY JACKSON, MASKI NASA AMERIKA AY NAKAKATANGGAP PA RIN NG MGA BIYAYA NA IBINIBIGAY DIN NAMAN NIYA SA MGA KAIBIGAN NIYA SA PILIPINAS!

SIR RUDY (IN DRAG) WITH A FRIEND NAMED MANNY SIR RUDY WITH HIS MOST INTIMATE FRIENDS SIR RUDY IN HIS NEPHEW'S HOUSE IN THE U.S. EARLY CH...