LUKAS AVID: A GREAT ACTING PORTRAYAL IN THE ADVOCACY FILM ENTITLED "LUKAS" |
Ang bawat tao ay may likas na kabaitan. Ang bawat nilalang ay may misyon sa buhay na dapat maisakatuparan. Ang bawat buhay, oo, ito ay may ganap na katuturan.
Gaano man siya kababa, kaliit, ka-walang-saysay- huwag mo siyang huhusgahan- dahil hindi mo kailanman alam kung ano ang tunay niyang pinagmulan. At hindi mo rin kailanman mararating ang mga narating na niya.
Mula sa isang mababa at simpleng pamumuhay, nakilala namin ang karakter na LUKAS sa pelikulang "LUKAS", isang advocacy film na mula sa Magic Five Productions at pinagbibidahan ng aktor na si Avid Razul.
Isang malaking sorpresa para sa amin ang kagalingang ipinamalas ni Avid sa kabuuuan ng pelikula. Hindi namin inaasahan na ganu'n pala siya kagaling at ka-organisado't epektibo bilang isang aktor. Dahil mapapansin mo, sa kabuuan ng pelikula, halos si Avid talaga ang nagdala at lumutang ng husto. Nagawa niyang dalhin ang iba pang mga karakter sa pelikula sa isang epektibong pamamaraan. Bibihira lang ang mga ganitong klase ng aktor na aming nasaksihan- samantalang ang isang ito ay hindi pa matatawag na "mainstream actor", pero nagawa niyang ipakita ang kaganapan at tunay na kagalingan bilang isang aktor.
Noon pa naghahanap ang yumaong si direk Maryo J. delos Reyes ng isang aktor na mula sa kuwadra niya na masasabi niyang magbibigay sa kanya ng ganap na karangalan at papuri. Maaaring nagawa man ni direk Maryo J. iyon kina Yul Servo at sa yumaong si Daniel Figueroa (mga aktor na sa kanyang kuwadra mismo nanggaling at siya mismo ang nagturo sa mga ito upang umarte ng buong husay), pero para sa amin, kulang na kulang pa rin ang nagawa nina Yul at Daniel. Hindi alam ng yumaong si direk Maryo J., mayro'n pa pala siyang nakaligtaan- at ito ay walang iba kundi si Avid Razul.
Sayang, sana nuon pa natuklasan ni direk Maryo J. ang kagalingan ni Avid, nuon pa sanang buhay pa si direk Maryo J. at hindi ngayong patay na siya. Sabi nga ng beteranong manunulat na si Pete Ampoloquio, Jr. kay Avid: "You are so fantastically good in the film, Avid!" Sapat na iyon para maniwala rin si Avid sa mga papuring inihagis namin sa kanya nu'ng mapanood na namin ang kabuuan ng pelikulang LUKAS.
Ito ang pelikulang dapat talagang mapanood ng bawat kabataan dahil napakalalim ng mensahe sa pamilya at sa buhay. Napakaganda ng istorya ng pelikula at hindi namin gugustuhing mai-reveal agad sa publiko ang istorya dahil mawawala ang "suspense-factor" at mape-pre-empt ang kagandahan ng pelikula.
Lahat ng mga artistang nagsiganap sa pelikula ay sadyang kay gagaling din, talagang hindi sila pumayag na lamun-lamunin ni Avid sa mga eksena. Ginalingan din nila dahil alam nilang magaling na aktor ang bida sa pelikula- na si Avid Razul nga. Pero dapat din naming papurihan sina Jao Mapa, Ms. Channel La Torre, Rez Cortez, Soliman Cruz, Cloyd Robinson, Janice Jurado, Joe Gruta at ang aktor na si Raul S. Radam dahil maski ang iba sa kanila ay maiikli lang ang papel, tunay namang mabibigat at matitindi ang pagka-"meaty" ng mga karakter na ginampananan nila.
Kung ganito ba palagi ang mga pelikulang mapapanood ng bawat mag-aaral, at hindi 'yung mga klase ng pelikula na basta nagpapa-"cute" lang para makuha ang mga hiyaw at tili ng mga estudyante- nakupo, mas gugustuhin na namin ang pelikulang LUKAS ang mapanood nila dahil wala itong halong pandaraya. Ang ipinakita sa pelikula ay buhay ng isang kabataang nagsikap, nagmahal, nagmalasakit sa kapwa, at sa bandang huli, nang malaman niya ang tunay niyang katauhan ay hindi pa rin siya naging makasarili. Patuloy pa rin siyang tumulong sa kapwa-tao niya.
Isang napakagandang pelikula at nagampanan ng buong husay ng mga artista.
Ang pelikulang LUKAS AY MANANATILI-
SA AMING KAISIPAN-
MAGPAKAILANMAN.
(sinulat ni robert manuguid silverio)
***ang musikang "dying young" na video sa itaas ay hindi po konektado sa pelikulang LUKAS. Naka-attach lang siya sa rebyung ito for "dramatic purposes". salamat po.--r.s.
AVID RAZUL WITH HIS CO-ACTORS AND AN ACTRESS IN THE FILM "LUKAS" |
AVID RAZUL WITH ACTOR JAO MAPA |
AVID RAZUL: HIS MENTOR, THE LATE MARYO J. DELOS REYES MUST BE PROUD OF HIM! |
AVID RAZUL: GREAT ACTOR! |
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento