one of the very last photographs of yul servo beside his mentor, the late maryo j (r.i.p.) |
yul with his media friends and direk maryo (r.i.p.) |
yul with his staff and guests in an event in Manila, together with his mentor at the far right- direk maryo j. (r.i.p.) |
yul with his fellow law-makers at the Congress |
yul works alone |
the smiling yul |
yul: actor & congressman |
Huling gabi 'yun ng lamay sa burol ng dakilang direktor na si Maryo J. delos Reyes (R.I.P.) Halos iilan na lang ang mga tao sa loob ng Loyola Memorial Chapels sa may Commonwealth Ave. Nangarag na siguro halos lahat dahil bandang alas-kuwatro pasado na 'yun ng madaling-araw. Ang production staff ng Production 56 people ni direk Maryo, may rooms sa itaas at bandang kitchen area sa may ibaba, at karamihan ay doon na nagsipagtulugan. Dalawang tao na lamang ang nanatiling gising sa mga huling sandali na iyon ni direk Maryo J. sa lupa- sila ay sina Congressman Yul Servo Nieto at ang blogger na nakahiga sa may harap ng mahabang upuan sa bandang kanan ng Chapel- (ako po 'yun, ang blogger na ito.- Robert*).
Hindi alam ni Congressman Yul, nagising 'yung blogger na 'yun mula sa sandaling pagka-idlip. Napadilat ito, at nakita niya si Congreesman Yul na mag-isa na lang na nakatayo sa harap ng coffin ni direk. Tahimik na tahimik na sa buong loob at kapaligiran ng Loyola Chapels. Tila isang "wakeful dream" ang nakita ng blogger. Si Yul, nakatayo sa harap ng coffin, titig na titig sa taong nasa loob nu'n, tila kinakausap niya. Damang-dama nu'ng blogger ang kakaibang damdamin ng Congressman nu'ng mga sandaling 'yun. Tila isang matinding pamamaalam na nga iyon. Pero hindi nagpahalata 'yung blogger. Nagkunwari siyang natutulog pa rin para hindi niya maabala ang taimtim na pagtangis ni Congressman sa harap ng taong nakahimlay sa coffin.
ITO NGA ANG ISA PANG SULYAP NG PAMAMAALAM NI CONGRESMAN YUL PARA SA TAONG NAPAKALAKI NG NAITULONG SA KARERA NIYA SA BUHAY. ANG PAMAMAALAM NI YUL KAY DIREK MARYO J. (R.I.P.)
"Nu'ng una, ang akala ko'y hindi totoo," nasabi pa ni Yul sa kaibigan niyang blogger sa huling gabi na iyon ni direk Maryo sa lupa, habang nire-recall nito ang mga sandaling nalaman niyang namatay na ang mentor niya "Alas-tres 'yun ng madaling-araw. Biglang tumawag sa cellphone ko ang manager ni direk Maryo na si June Rufino. Naalimpungatan pa nga ako nu'n mula sa mahimbing na pagkakatulog. Sinabi niya, wala na raw si direk. Patay na raw. Hindi ako makapaniwala.
"Hindi na ako nakatulog maski ano'ng pilit ko", dugtong na naging pagsasalaysay pa ni Yul. "Gusto kong tanggapin nu'ng mga oras na iyon na wala na nga si direk Maryo, pero hindi ko matanggap- hindi ko kayang tanggapin. Hanggang ngayon, Kuya Robert, nahihirapan pa rin akong tanggapin ang bagay na ito."
Dahil sa lahat ng mga taong tinulungan ni direk Maryo, tanging si Yul lamang ang naging pinaka-MASUNURIN. Ni minsan o isang beses, hindi niya sinuway ang kagustuhan ni direk Maryo. Lagi siyang sumusunod sa mga sinasabi nito o pinapayo. Kumbaga sa isang anak, si Yul ay isang masunurin at mabait na anak. Kaya naman, ang ibinalik sa kanya ni direk Maryo J., todo-todong suporta at pagmamalasakit. Nasaksihan iyon ng isang blogger. Nariyan pang si direk Maryo pa mismo ang mag-hanger (magsampay) ng coat ni Yul (na isusuot nito sa isang okasyon) sa loob ng opisina ng Production 56 o kaya, magdadamit ng personal kay Yul sa mga engrandeng okasyon. Kay Yul lang ito ginawa ni direk Maryo sa dinami-dami ng mga naging talents niya.
"Alam ko po 'yun, kuya Robert, kaya naman tuwang-tuwa ako kapag nalalaman ko iyan", reaksyon na tugon ni Yul sa nasabi ng blogger na personal siyang inintindi ni direk Maryo. "Kaya nga ang masasabi ko ngayon, parang kulang pa rin ang naibalik kong kagandahang-loob sa kanya. Bitin na bitin ako. Dapat hindi na muna siya namatay agad para nasuklian ko pa ng husto ang mga magagandang bagay na iyon na nagawa niya sa akin."
Kaya heto na lang ang hiling pa ni Yul para kay direk Maryo na nasa kabilang-buhay na ngayon:
"Siya na ang bahala sa akin", maagap na nawika ni Yul. "He is my big brother. Kaya alam ko, gagabayan pa rin niya kaming lahat maski nasa kabilang buhay na siya. Yung health ko, sana ay subaybayan niya. At ang ipinapangako ko sa kanya, hindi pa rin ako magiging kurakot. Sapat na sa akin ang makapaglingkod sa kapwa ko. Susundin ko pa rin ang mga hinabilin niya sa akin."
Maraming mga ala-ala si Yul kay direk Maryo. Isa na rito 'yung pagka-starstruck niya kay direk Maryo nu'ng una niya itong makita sa pinagsabay na birthday parties nuon nina Poppo Lontoc at Robert Aviles (mga orihinal na Maryo brothers), at si Yul nuon ay papasok pa lamang sa pag-aartista.
"Basta party 'yun nina Poppo at Robert Aviles", balik-gunita pa ni Yul. "Sobrang na-starstruck ako nu'ng makita ko si direk Maryo J. sa party na iyon. Hindi ko alam, siya rin pala ang taong makakatulong sa akin ng husto."
At ngayon, magpapatuloy pa rin si Yul sa buhay. Sa paglilingkod sa kapwa niya. Sa passion niya sa pag-arte. At sa LEGACY na iniwan ni direk Maryo J.
"Samahan mo ako, kuya Robert", pagwawakas na sabi ni Yul. "Ituloy natin ang laban ni direk Maryo. Dahil ang laban niya ay laban din nating lahat."
OO, YUL. NANDITO PA RIN TAYO PARA KAY DIREK MARYO J.- HABAMBUHAY.
(sinulat ni robert manuguid silverio)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento