Patuloy sa paglalakbay ang pelikulang LUKAS, ang advocacy film na pinagbibidahan ni Avid Razul, isa sa pinakamabait na naging alaga ng yumaong direktor na si Maryo J. delos Reyes. At sa paglalakbay ng pelikulang nabanggit sa iba't-ibang eskuwelahan, mga probinsya, at mga sinehan- si Avid Razul ay patuloy na naglalakbay din. Mga paglalakbay na mas nagpapa-ibayo pa sa kanyang pagkatao at kagalingan bilang isang aktor.
"Ipinalabas na rin kamakailan lang sa mga SM Cinemas sa mga regular screenings doon ang pelikulang Lukas", nasabi pa ni Avid. "At magaganda ang rebyu ng mga nakapanood na. Kaya masaya ako talaga. Marami pang paglalakbay na gagawin ang pelikula sa buong Pilipinas sa pagpasok ng taong 2020."
Ang pelikulang Lukas din kasi ang unang pelikula na kung saan ang pinaka-bida ay si Avid Razul. May magandang mensahe para sa mga kabataan, kaya naman, gustong-gusto ng mga guro na maipalabas sa kani-kanilang paaralan ang nabanggit na pelikula.
Sa ngayon, naghahanda na si Avid sa bagong pelikulang gagawin niya para sa Magic Five Productions. Naghahanap pa sila ng magandang materyal. Pero ngayon pa lang, walang tigil sa pagdyi-gym si Avid dahil ang gusto niya, action ule ang gagawin niyang kasunod na pelikula.
"Mas maganda at mas maaksyon, pero punong-puno din ng aral ang susunod naming gagawing pelikula", pagtatapos na wika ni Avid. "Basta abangan na lang nila. In the meantime, samahan n'yo muna ako sa paglalakbay ni LUKAS!!!"
Oo naman.
(sinulat ni robert silverio)